NI: Rodel Fernando

Papasukin na rin ni Diego Gutierrez ang showbiz, anak nina Lotlot de Leon at Ramon Christopher. Suportado ng kaniyang parents ang desisyon niya.

Kamakailan ay pumirma siya ng kontrata sa LVD Talent Management ni Leo Dominguez.

Gayunpaman, hindi pa rin niya pababayaan ang kanyang first love. Ito ay ang basketball na kung saan ay shooting guard siya ng Quezon City Defenders team sa National Basketball League of the Philippines.

Di pa rin siya handang sumabak sa pag-arte kaya hosting at singing muna siya magko-concentrate. May kanta na rin siyang nagawa at sa US pa ito nai-record.

Gusto rin ng binata na maging print at commercial model. Pero may limitasyon pa siya. Kahit matangkad at maganda ang katawan ay ayaw niyang mag-endorso ng underwear. Aniya, hindi pa raw siya ready.

Kung aktingan naman, gusto niyang makasama ang ate at mga magulang niya sa isang project. Siyempre pa, pangarap din niyang makaeksena ang kaniyang lola na si Nora Aunor.