Nagpapasaklolo sa gobyerno at sa mga senatoriable ang mga sinibak na contractual workers ng Philippine Long Distance Telephone Company (PLDT) na miyembro ng PLDT Organization of Workers and Employees for Rights (POWER) at pro-labor group, Defend Job Philippines matapos hindi paboran ng Court of Appeals (CA) ang kanilang mosyon.
Nabatid na dismayado ang grupo sa umano’y walang pusong desisyon ng CA na inilabas mismo noong Valentines’ Day, Pebrero 14, pabor sa kompanyang pag-aari ng binatang negosyanteng si Manny V. Pangilinan.
Nagpalabas ng desisyon ang CA 10th division, pinamumunuan ni CA Associate Justice Sesinado Dillon, bilang tugon sa ‘motion for reconsideration’ na isinampa ng DOLE at rank-and-file union ng PLDT, Manggagawa sa Komunikasyon ng Pilipinas (MKP) noong Agosto na may kaugnayan sa regularisasyon ng may 7K contractual employees ng PLDT.
Sa desisyon ng CA, ibinasura nito ang motion for reconsideration ng DOLE at MKP bunsod ng kawalan ng merito dahilan para katigan ang motion for certification ng PLDT laban sa regularization order ng DOLE.
Sa naturang desisyon ng CA, tanging ang mga manggagawa na nasa field of installation, repair at maintenance ang sakop ng regularisasyon.
Kasabay nito, nanawagan ang POWER at Defend Job Philippines kay Pangulong Rodrigo Duterte, Labor Secretary Silvestre Bello III at sa MKP na umapela dahil ang desisyon ng CA ay magiging hadlang sa iba pang nakabinbing kaso kaugnay sa regularisasyon ng mga manggagawa ng iba’t ibang kompanya sa bansa.
Ayon sa grupo, kinukunsulta na nila ang kanilang abogado para sa kanilang susunod na hakbang kung saan iaakyat nila ang laban sa Supreme Court (SC).
“Now is the best time for President Duterte and Secretary Bello to prove that their campaign against contractualization is not just for mere lip-service, for political grandstanding and nothing but a mere empty campaign promise,” ayon kay Margarita Lamigo, spokesperson ng POWER.
Kaugnay nito, nanawagan rin ang grupo sa mga senatoriable na isama sa kanilang plata porma ang regularisasyon ng mga contractual workers.