Suportado ni Pangulong Rod­rigo Duterte ang hakbang ng Department of Interior and Local Government (DILG) na ilabas ang pangalan ng mga kandidatong nasa narco list bago ang nakatakdang eleksyon sa Mayo.

Sinabi ng Pangulo na nasa desisyon na ni DILG Secretary Eduardo Año kung inaakalang makakatulong ito sa kampanya kontra iligal na droga.

Binigyan-diin ng Presidente na galit siya sa droga kaya ano mang hakbang na makakatulong para mabawasan ang problema ay susuportahan niya ito.

Hindi aniya ito makikialam sa trabaho ng DILG secretary kaya’t hahayaan niyang kumilos ito batay sa kanyang pagpapasya.

“Yes and yes. Or would you rather — hindi na talaga lalabas ‘yung pangalan nila? Galit ako sa droga. It’s up to Año to decide on that. I do not interfere in his job,” anang Pangulo.

Nauna rito inihayag ng DILG secretary na nais niyang maisapubliko ang listahan ng mga kandidatong nasa narco list para magkaroon ng pagkakataon ang mga botante na makapili at makapagpasya ng kanilang iboboto sa darating na eleksyon.