Digong bumuo ng grupo para sa economic recovery plan

Isang maliit na grupo ang binuo ni Pangulong Rodrigo Duterte para gumawa ng ipatutupad na economic recovery plan kapag natapos na ang coronavirus disease 2019 (COVID-19) pandemic sa Pilipinas, ayon kay Cabinet Secretary Karlo Nograles nitong Miyerkoles.

Sinabi ni Nograles, na siya ring tagapagsalita ng Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseaaes (IATF-EID), ang naturang grupo ay binubuo ng mga economic manager ng Pangulo.

Gayunma, tumanggi ang kalihim na magbigay ng karagdagang detaye hinggil sa mga panukalang hakbang na ipatutupad ng gobyerno para manumbalik ang sigla ng ekonomiya ng bansa na naapektuhan ng krisis dulot ng COVID-19.

“There’s a small select group that will discuss these things. Kasama na diyan `yong economic recovery plan ng gobyerno,” pahayag ni Nograles sa virtual press conference na nilabas sa PTV-4 nitong Miyerkoles.

Ayon sa kalihim, kailangan pa ng grupo ng maraming datos para makumpleto ang presentasyon ng imumungkahing economic recover plan.

“So sinabi ni Pangulo na ituloy pa nila `yong ginagawa nilang studies,” ani Nograles.

Sa teleconference na ginanap noong Martes kasama ang special House panel, iniharap ni Finance Secretary Carlos Dominguez III ang panukalang P1.45 trillion package para ibangon ang ekonomiya matapos ang krisis sa COVID-19.(PNA)