Nanindigan si Pangulong Rodrigo Duterte na hindi siya dadalaw sa burol ng 17-anyos na estudyanteng si Kian Loyd delos Santos sa Caloocan City dahil baka makaapekto raw ito sa isinasagawang imbestigasyon laban sa mga pulis na nakapatay sa binata noong nakaraang linggo.
“Tinanong ako ng media if I will go to the wake. I have expressed my condolences. Kung tanggapin ng pamilya, good. Kung hindi nila tanggapin, fine with me,” wika ni Pangulong Duterte sa isang dinner na inihanda sa Philippine Air Force (PAF) Dragon Boat Team nitong Martes.
Kung pupunta umano siya sa burol, ang magiging impresyon ng publiko ay pinaniniwalaan niya ang alegasyon laban sa tatlong pulis na nakabaril kay Kian.
“Because even if it is true — it is under investigation — kapag pumunta ako doon, the perception of the public is baka totoo talaga iyan,” katuwiran ng Pangulo.
Nitong Lunes ng gabi ay ipinag-utos ni Pangulong Duterte na imbestigahan ang pagkamatay ni Kian matapos pumutok ang galit ng publiko sa mga pulis na pumatay sa estudyante.
Marami nang personalidad ang dumalaw sa burol ni Kian, kabilang na si Vice-President Leni Robredo na bumisita noong Linggo ng umaga.
Sa inisyal na report ng Caloocan Police, nanlaban umano si Kian sa isinagawang Oplan Galugad operation noong Agosto 16 ng gabi.
Subalit sa CCTV footage, makikitang kinaladkad ng dalawang pulis si Kian patungo sa isang bakanteng lote kung saan siya pinatay. Lumabas din ang mga testigo na nagsabing umiiyak ang estudyante nang bigyan ng baril ng mga pulis at inutusan na tumakbo bago binaril ng mga pulis.
Isinailalim na sa imbestigasyon ang mga sangkot sa pagpatay na sina PO3 Arnel Oares, PO1 Jeremias Pereda at PO1 Jerwin Cruz.