Mukhang stress na umano sa kanyang trabaho si Pangulong Rodrigo Duterte, bukod sa unti -unti nang lumalabas na mga umano’y baho at illegal na gawain nito at ng kanyang pamilya.

Ito’y ayon kay Senador Antonio Trillanes matapos na magbitiw na naman ng maanghang na salita ang Pangulo laban sa kanya partikular ang tila utos nito sa mga sundalo na hamunin na lamang ang senador sa isang duwelo sa labas kapag sila’y ipapahiya nito sa tuwing humarap sa mga pagdinig sa Senado.

Giit ni Trillanes, hindi na bago sa kanyang pagdinig ang naturang klase ng pananalita ng Pangulo lalo na ngayon na unti-unti nang naglalabasan ang illegal na gawin ng kanilang pamilya at mukhang stress na umano ang Pangulo, kung kaya’t kailangan na umano ito na magpatingin sa psychiatrist.

“Iyan naman lagi ang pananalita niya na parang hindi nag-iisip kaya sabi ko nga mukhang nag meltdown na itong si Duterte at kailangan magpatingin na sa psychiatrist kasi baka hindi na niya kaya yung stress ng kanyang trabaho at alam niyang palapit na ako ng palapit na mabunyag ang kanilang illegal na gawain,” ayon kay Trillanes.

Sa mga pananalita umano ng Pangulo ay nagpapakita na wala itong sapat na kakayahan sa pag-iisip para mamuno.

May payo pa si Trillanes sa Presidential Security Group (PSG) na ilayo kay Pangulong Duterte ang mga baril dahil baka masaktan pa nito ang sarili o ibang inosenteng tao.