Pinasalamatan ni Pangulong Rodrigo Duterte si Miss Universe 2018 Catriona Gray dahil sa iniuwi nitong karangalan sa bansa sa ginawang courtesy call ng beauty queen.
Sinabi ni Presidential Spokesman Salvador Panelo na ang courtesy call ay nagsimula alas-6:20 ng gabi at nagpalitan ng pagbati ang Pangulo at si Catriona sa courtesy call sa Villamor Airbase.
Sa pagpapalitan ng pagbati ay pinasalamatan umano ng Pangulo si Gray dahil nasungkit nito ang korona, at ipinabatid na lahat ay tuwang-tuwa sa kanyang pagkapanalo sa Miss Universe beauty pageant.
“The courtesy call started at 6:20pm. Still ongoing. They are just exchanging pleasantries. He thanked her for bringing the crown. He said everybody is euphoric about her win,” ani Panelo.
Samantala, nagsimula na ang tungkulin ni Miss Universe 2018 Catriona nang maging bahagi ito ng isang charity event sa isang bahay-ampunan sa Quezon City.
Naging bahagi si Catriona ng isang event na isinagawa ng Miss Universe Organization at ng Frontrow, direct selling company, sa Gentle Hands orphanage.
Bago magtungo sa bahay-ampunan si Catriona, nagkaroon muna ito ng press conference sa Shangri-La Hotel sa Taguig City. Sinabi ng Miss Universe 2018 kung bakit malapit sa puso niya ang mga bata.
“I’m drawn to working with children specifically because I’m an only child. Growing up, I always wished for siblings, so I guess when I became an adult and I reached out to charity, working with children just really touched my heart,” sabi ni Catriona.
Sa event, nagturo si Catriona sa mga bata kung paano ang paglalakad, pag-ikot ng isang beauty queen na katulad ng kanyang ginawang ‘slow-mo twirl’ at ‘lava walk’ sa Miss U.
Pinuri si Catriona ng mga fan sa kanyang Instagram. Sabi ni smol_semrielle, “You’re such an inspiration to us! You gave me inspiration to help poor children!” (Aileen Taliping)