Digong kay Lucio Tan: ‘Magbayad ka o tutuliin kita!’

rodrigo-duterte

Minamadali na ni Pa­ngulong Rodrigo Duterte si business tycoon Lucio Tan para bayaran ang malaking pagkakautang nito sa buwis sa gobyerno.

Sa kanyang talumpati sa Federalism Summit sa Pili, Camarines Sur noong Martes ng hapon ay sinabi ng Pangulo na wala pa ring nakokoleta ang gobyerno mula sa P6 bil­yong pisong pangakong babayaran ng negosyante mula sa mga hindi binayarang tax sa paggamit ng runway ng kanyang mga eroplano sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA).

Dahil dito, nagbanta ang Presidente na kapag nagmatigas ang negos­yante na hindi magbayad sa atraso sa buwis ay tutuliin niya ito.

Sinabi ni Pangulong Duterte na kung natakot kay Tan ang ilang naging opisyal ng pamahalaan dahil sa posibilidad na pondohan ang destabilisasyon, ibahin aniya siya dahil hindi siya natatakot dito.

“Kaya — Lucio Tan, six billion, noon pa ‘yan. Walang kolekta-kolekta. Walang bayad-bayad. Kasi matakot na mag-enforce ang ano diyan, mayor o — kasi ‘pag ginalaw mo, gastusan ka raw ng destabilization.

“Ako, ‘di mas mabuti mag-contribute siya doon. Kasi kung may maniwala pa na sundalo sa akin, sila — siya ang unahin ko. Either magbayad ka or … tuliin kita uli… ba­yad,” pahayag ni Pangulong Duterte.

Matatandaang noong nakalipas na buwan ay nagpahayag na ng ka­handaan ang kompanya ng negosyante na magbabayad sa atraso sa gobyerno matapos magbigay ng sampung araw na ultimatum si Pangulong Duterte.

Ikinuwento ni Pangulong Duterte na noong panahon ng kampanya, ilang araw bago mag-eleksiyon ay nag-alok ng pondo si Tan subalit tinanggihan niya ito dahil tiyak aniyang hihingi ito ng pabor sa gobyerno kapalit ng alok na salapi.

“Alam mo, two days before the election, Lucio Tan was in Davao City. He tried to have an audience with me to give me the money.

Hindi ko tinanggap kasi alam ko balang araw, hihiritan kita. And all others,” ang kuwento pa ng Pangulo.