Inamin ni Pangulong Rodrigo Duterte na nagbago ang kanyang pagtingin sa bilyonaryong si Lucio Tan matapos ang ipinakitang pagtulong ng airline company nito sa mga overseas Filipino worker (OFW) na sinundo sa Kuwait pauwi ng Pilipinas.
Ayon sa Pangulo, nag-sorry siya kay Tan matapos ang ipinakitang pagtulong sa mga manggagawang Pinoy dahil nakita niya ang ibang bahagi ng pagkatao ng negosyante.
Libre aniya at walang hininging kapalit ang ginawang pagsundo ng Philippine Airlines (PAL) sa mga OFW na nakaranas ng krisis sa Kuwait.
“Nabawi ni Lucio Tan ang loob ko. Kaya sinabi ko talaga sa kanya, lumapit ako and I said ‘I’m sorry for my epithets, and curses and everything’. But I have changed my perception, he have a good heart,” anang Pangulo.
Naging mainit noon si Pangulong Duterte kay Tan dahil sa malaking atraso nito sa buwis sa gobyerno na hindi binayaran nang matagal na panahon.
“You know Lucio Tan, ‘yung utang niya has been there for several years, I hope I would not offend him. But in this talk I would like to praise him. So many Presidents passed this country wala ‘di nakabayad. You pay it or I’ll go after you. But during the crisis na walang pera ang gobyerno at hand, at nagkalisod-lisod na sa Kuwait kay marami nang gustong umuwi, wala na akong choice. Nakiusap ako kay Lucio Tan pati kay Gokongwei. Siguro apat na biyahe back and forth kinuha nila, gratis. Kaya nakita ko ‘yung… despite his… kasi businessman eh. You know ‘yung business kundi ka mag-utang babagsak ka rin eh,” dagdag ng Pangulo.
Kaya para makabawi aniya ay dumalo ang Pangulo sa inagurasyon ng bagong eroplano ni Tan kahit may bagyo noong nakalipas na buwan.