Digong magkakaloob ng P100M sa mga Olympian

Nangako si Pangulong Rodrigo Duterte ng P100M para sa training expenses ng mga magku-qualify na Pilipino sa 32nd Summer Olympic Games 2020 sa Tokyo, Japan.

Binunyag ng Punong Ehekutibo ito na lalong nagpasaya sa mga atleta’t opisyal sa pagkakaloob niya ng pabuya Miyerkoles sa Malacañang Palace para mga nakamedalya sa katatapos na 30th ­Southeast Asian Games PH 2019.

“We will try to raise the money. Heard we’re giving P100M? P101M? For the Olympic? Ma’am, puwede tayong magdagdag? The lady here, she’s a very good lawyer. She used to be the immigration officer. She’s Andrea Domingo. Mahiyain. Kaya ­nag-committ na siya, although ‘di kaagad. Puwede mo bang i-spread ‘yan as the training?” ani Digong.

“So I have another P100M para.. But yan lang, I’m very strict about money and I am very strict about money and kailangan talaga – must be ­accounted up to the last centavo,” aniya pa.

Sa pagtitipon, ginawaran din ni PRD ang may 500 atleta ng Order of Lapu-Lapu, Rank of Kamagi na mga naka-gold sa 11-nation, 12-day biennial sportsfest nitong Nobyembre 30-Disyembre 11.

May hiwalay pa silang natanggap na pabuya mula sa Philippine Sports Commission na ­pinamumunuan ni Chairman Butch Ramirez at sa Philippine ­Olympic Committee na pinangungunahan ni President ­Abraham Tolentino.

Sa ngayon, ang dalawang swak pa lang sa Tokyo Games ay sina gymnast Carlos Edriel Yulo at pole vaulter Ernest John Obiena. (Prince Golez)