Hindi sa takot si Pangulong Rodrigo Duterte sa militar kaya ipinuwesto niya ang karamihang retiradong heneral sa gobyerno, ang totoo ay bilib siya rito.
Paliwanag ni Duterte kaya mas gusto niya na ang mga military ay dahil maayos magtrabaho ang mga ito.
“So that is why, pareho lang, same criticism with Gloria Arroyo and kay Aquino. Bakit daw… takot ba daw kami sa military? Hindi kami takot sa military. Bilib kami sa military pati pulis. Kasi mautusan mo magtrabaho,” pahayag ni Duterte nang magtalumpati nitong Biyernes ng gabi, Agosto 4 sa Marawi City.
Ganito aniya ang naging obserbasyon niya sa militar mula nang maupong mayor ng Davao City.
“Mahirap talaga ‘yang civilian mga eligible ganu’n. ‘Pag inutusan mo ‘yan, antagal. ‘Pag sinabi mo tapusin mo isang oras, itong mga ‘to… Susmaryosep. After lunch break, punta ng mga mall, magpasyal-pasyal,” pagkukumpara pa ni Duterte sa mga militar sa sibilyang empleyado ng gobyerno.
Kaya dapat umanong masanay na ang lahat dahil halos militar ang itatalaga niya sa gobyerno.
“So ang gagamitin ko puro na halos military lahat. Kaya huwag kayong mag-alala, hindi kayo maiwan kasi baka ‘pag napuno na ito, papunta na ‘yan sila. They will decide, ‘Kami na lang,’” sabi pa ng pangulo.
Binanggit ding muli ng pangulo sa mga nagbabantang ikudeta siya na magsabi lang dahil kusa naman siyang bababa sa puwesto.