Magiging masaya ang Pasko ng mga opisyal at kawani ng Office of the President (OP) dahil sa malaking halaga ng Pamasko na ibibigay sa kanila.
Inianunsiyo ng Pangulo na tatanggap ng P40K ang mga kawani at opisyal ng OP ngayong Pasko, P30K ang Duterte gift at dagdag na P10K.
Pinangunahan ng Pangulo ngayong gabi ang pagpapailaw sa Christmas tree sa harapan ng Kalayaan Hall bilang hudyat ng pagsisimula ng Kapaskuhan.
“Ok na ‘yan o kulang pa? ‘Di ko naman pera ‘yan kung puwede ibigay ko na sa inyo lahat ‘yan. But I think 40K is good, it can buy a lot of things. I wish you all goodluck,” anang Pangulo.
Pero makalipas ang ilang sandali ay muling nagsalita ang Presidente at inihayag na gagawin niyang eksaktong P50K ang ibibigay na cash gift para sa mga kawani at opisyal ng pamahalaan matapos kantyawan ng kanyang anak na si Mayor Sara Duterte-Carpio.
“Sabi ni Inday bakit kayo dito sa Maynila kuwarenta? Ang bigay ko sa Davao singkuwenta.. So hindi tayo magpalugi sa Davao. Sabi ko kay Lina Apostol, wala akong pakialam magnakaw ka, dispalkuhin mo ‘yang pera basta gawin mong fifty. Okey na ‘yan? O gawin nating sixty?.. Hindi OK na ‘yang fifty,” dagdag na pahayag ni Pangulong Duterte.