Hindi itinago ni Pangulong Rodrigo Duterte ang paghanga sa tagumpay ng pamilya Villar na nagsimula sa kanilang sipag at tiyaga.

Sa kanyang pagdalo sa birthday celebration ni dating Senador Manny Villar sa Las Piñas City, sinabi ng Pangulo na si Villar ang inspirasyon at ehemplo ng sipag at tiyaga dahil mula sa isang mahirap na pamilya ay nagtagumpay ito dahil sa kanyang adhikain.

Pabirong sinabi ng Pangulo na sana ay ang slogan ni Villar na ‘Sipag at Tiyaga’ ang kanyang gi­namit noong kampanya pero nagkamali aniya ang kanyang public relations dahil ang ginamit ay DDS o Davao Death Squad.

Panauhing pandangal ang Pangulo sa kaarawan ni Villar at isinabay na rin sa pagkakataon ang pagpasinaya sa bagong drug rehabilitation center ng Las Piñas City.