Hindi napigilan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang bugso ng damdamin at napaiyak dahil sa masamang epektong idinulot ng iligal na droga sa bansa.

Sa kanyang talumpati sa kick-off rally ng Partido ng Demokratikong ­Pilipino -Laban (PDP-Laban) sa Biñan City, Laguna, inisa-isa ng Pangulo ang masamang epekto ng iligal na ­droga sa bansa.

Kapag aniya nalulong sa droga ang isang tao ay gagawa ito ng paraan para masustentuhan ang bisyo at nasisira din ang pamilya dahil nag-iiba ang asal ng isang drug addict.

Masakit din aniya ang karanasan ng ilang overseas Filipino worker na nagpapakahirap magtrabaho sa abroad at nagsasakripisyo sa pag-aakalang nag-aaral ang mga anak pero ‘yun pala ay lulong sa iligal na droga.

Sinabi ng Pangulo na panahon pa ni dating Fidel Ramos ay nag-warning na ang Drug Enforcement Agency ng Amerika na ang Pilipinas ay magi­ging narcopolitics kaya hindi siya nagtataka kung bakit lumala nang husto ang problema sa iligal na droga pag-upo nito sa puwesto.

“Ayaw ko talagang ganonin mo ang Pilipino. Napaiyak ako, ako sa bayan ko. Hindi, may allergy ako sa helicopter pagbaba. Bawal man mag-helicopter ‘pag gabi. Pag-landing amoy kusina. Amoy ulam,” anang Pangulo.