Magkahalong pagod at puyat ang dinanas ni Pangulong Rodrigo Duterte kaya hindi nakadalo sa apat na mahalagang pulong sa ikalawang araw ng 33rd Association of South East Asian Nations (ASEAN) summit sa Singapore nitong Miyerkoles.
Sinabi ni Presidential Spokesman Salvador Panelo na late na natapos ang Pangulo sa unang araw ng summit at kaya’t halos tatlong oras lang ang tulog nito at hindi nakadalo sa unang event na nagumpisa ng alas-8:30 nang umaga, sa ikalawamg araw ng summit.
Nakakatawa aniyang pinalaki ng ilang grupo ang hindi pagdalo ng Presidente sa apat na event ng ASEAN.
Kabilang sa mga hindi dinaluhang pulong ng Pangulo sa ikalawang araw ng ASEAN summit ay ang ASEAN-Australia Informal Breakfast Summit, ang 20th ASEAN-Republic of Korea Summit, ang Working Lunch kung saan ang host ay si Singapore Prime Minister Lee Hsien Loong , at ang Second Regional Comprehensive Economic Partnership (RCEP) Summit.
Pero sinabi ni Panelo na dinaluhan ng Pangulo sa kabila ng ginawang ‘power naps’ ang pulong sa mga kilalang ‘big brothers’ nito na sina Chinese Premier Li Keqiang, Russian President Vladimir Putin at Japanese Prime Minister Shinzo Abe kung saan ipinarating ang sentimyento ng bansa, habang sinuportahan naman ang pahayag at mensahe ng mga ito.
Tiniyak ni Panelo na dadalo ang Pangulo sa mga natitirang event sa huling araw ng ASEAN summit pati na ang mga nakatakdang bilateral meeting nito kay Abe.
Agad nilinaw ni Panelo na walang kinalaman sa kondisyong pangkalusugan ng Pangulo ang pagliban nito sa ilang event dahil sadya lang mahigpit ang schedule.