Digong sa mga ospital : Huwag itaboy mga pasyente!

Sisibakin ni Pangulong Rodrigo Duterte ang lahat ng mga hospital staff na tatangging tumanggap ng mga pasyente lalo na ngayong may krisis sa coronavirus disease2019.

Ang babala ay ginawa ng Pangulo matapos matanggap ang report na isang pasyente ang namatay sa Cabanatuan City dahil tinanggihan ng anim na ospital .

Sinabi ng Presidente na kahit ano pa ang sakit ng isang pasyente ay kailangang tanggapin sa mga ospital at walang pipiliin dahil tungkulin ng mga manggagamot na magligtas ng buhay.

“My order is: must accept admission. You fail on that, I will relieve all of you sa hospital and you can consider yourself suspended because the written order will follow,” anang Pangulo.

Aatasan ng Presidente ang Department of Justice (DOJ) para imbestigahan ang insidente sa Cabanatuan City at panagutin ang mapapatunayang nagpabaya sa insidente.

“Alam nyo mali yan, so pag totoo yan, I will ask the Justice Department to prosecute you kasi alam ninyo na hindi puwede yan, especially the government hospital,” dagdag ng Pangulo.(Aileen Taliping)