Isda, noodles at suman ang ilan sa mga handa sa noche buena ni Pangulong Rodrigo Duterte noong Disyembre 25.
Ang suman ang isa sa paboritong pagkain ng Presidente kaya’t palaging kasama ito sa handa sa Noche Buena.
Pero hindi umano halos nagalaw ng Presidente ang handa dahil sa patuloy na pagtanggap ng balita sa bahang dulot ng bagyong Vinta pati na ang malagim na sunog sa NCCC Mall na kumitil ng 36 na katao.
Tinatayang nasa 200 ang mga nasawi sa pananalasa ng bagyong Vinta habang 36 sa sunog.
Pero pagsapit ng alas-12:00 ng hatinggabi ng Disyembre 24, ay dumating ang mga apo ng Presidente para batiin siya ng ‘Merry Christmas’.
Naging tradisyon ng pamilya Duterte na dalawin ang Presidente para ipaabot ang pagbati sa Kapaskuhan.
Habang nasa kasagsagan ng pagsasaya ang sambayanan ay abala naman ang Presidente sa pag-asikaso sa mga biktima ng bagyo at sunog kasama ang mga anak na sina Davao City Mayor Sara Duterte at ang nagbitiw na si Paolo ‘Pulong’ Duterte.
Ayon sa Pangulo, walang katumbas na kataga ang magpapalubag sa loob ng isang namatayan kaya’t kailangan alalayan ang pamilya ng mga biktima.
“Death to me is spiritual journey. So nobody can deal with it except the… ‘yung ano… no amount of kind words, consolling words,” ang pahayag ng Pangulo.