Digong tapat sa lagay ng kalusugan — Gloria

Pinakakalma ni Speaker Gloria­ Macapagal-Arroyo ang publiko patung­kol sa lagay ng kalusugan ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Bukas at tapat aniya sa samba­yanang Pinoy si Pangulong Duterte pagdating sa sitwasyon ng kalusugan nito.

Wala umanong dapat ikaalarma hanggang hindi ipinahahayag na seryoso at nanganganib ang buhay ng punong ehekutibo dahil sa sakit.

“I think he’s (PDu30) been quite transparent,” sabi ni Arroyo sa isang ambush interview kahapon.

Matatandaan na muli na namang naging sentro ng kontrobersya ang kalusugan ni PDu30 matapos itong sumailalim sa medical check-up sa Cardinal Santos Medical Center kamakailan.

“Only if he says that it’s serious because I have also had lots of growths in my time. They were pre-cancerous polyps but they never ripened into cancer because timely removal was done with science and technology,” paliwanag pa ni Arroyo.

Samantala, sinisi naman ni Akbayan Rep. Tom Villarin sa buwis at ‘tantrums’ ang pagbagsak ng rating ng administrasyong Duterte.

Hindi naman umano nakatulong ang pag-alboroto ni Duterte at paninisi nito kay US President Donald Trump sa trade war sa pagitan ng China, gayundin ang personal vendetta kay Senador Antonio Trillanes IV at diumano’y pinalulutang ng ouster plot para mapagaan ang pagtaas ng mga presyo ng pangunahing bilihin at serbisyo.