Mga laro bukas
(Ynares Center, Antipolo)
4:30 pm – Blackwater vs. Phoenix
7 pm – SMB vs. Rain or Shine

Ginawang sangakalan ng Blackwater ang 111-99 panggugulat kontra Rain or Shine Miyerkoles ng gabi para sungkitin ang unang panalo sa PBA Philippine Cup elims.

Pumasok sa win-column ang Elite pagkatapos ng tatlong laro, napigil naman ang back-to-back wins ng Elasto Painters tungo sa 2-1.

“Pagkatapos ng huling talo namin (99-94 sa Meralco) I told my players to keep pounding the rock,” bulalas ni Blackwater coach Bong Ramos. “At eto na, lumabas na ‘yung character ng team ko.”

Na-outscore ng Elite ang Pain­ters sa third 37-26, binaliktad ang 53-46 deficit sa break tungo sa 72-62 sa 3-pointer ni Mike Digregorio na may 12 sa period.

Nagliyab sa labas ng arc si Digregorio sa 7 for 10 shooting tungo sa 27 points. Umayuda ng 23 si Allein Maliksi, may 16 points at 13 rebounds si Chris Javier.

May 20 points si James Yap sa first three quarters pero hindi na umiskor sa fourth para sa Rain or Shine.

Sa first game, niyanig din ng Meralco ang Cuneta Astrodome nang kumpletuhin ang 88-77 come-from-behind win kontra TNT KaTropa.

Hindi makuha ang tamang timpla ng roster na nag-1-2 sa first three games, binalasa ni Bolts coach Norman Black ang starting five.

“We’ve been getting off to bad starts this conference,” lahad ni Black.

Maalat pa din ang umpisa, naiwan ng hanggang 21 ang Bolts bago nag-click ang outside shooting na sumabay sa depensa.

“The only fortunate thing is it happened in the beginning of the game, si we had a lot of time to recover,” dagdag ni Black.

Naiwan hanggang 30-9 sa 10:43 mark ng second quarter ang Bolts bago na-outscore ang KaTropa 79-47 sa kabuuan ng laro.

Starters ni Black sina Cliff Hodge, John Pinto, Chris Newsome, Jared Dillinger at Ranidel de Ocampo.

Kinamada ni Baser Amer ang 15 sa kanyang 17 points sa second half pang-ayuda sa 20 markers ni Newsome.

Mahalagang 16 points din ang kontribusyon ni Dillinger na 3 for 5 sa 3-point range. Pareho ng stats sa rebounds at assists sina Dillinger at Newsome na 9 at 5.