Para sa Department of Interior and Local Government (DILG), case closed na ang dating palitan ng salita ng ahensya at ni Pasig Mayor Vico Sotto kaugnay ng paggamit nito noon ng tricycle habang umiiral ang enhance community quarantine sa Luzon.
Ayon kay DILG Undersecretary at spokesperson Jonathan Malaya nagkaroon noon ng miscommunication at palitan ng opinyon ang departamento at Sotto subalit mabilis na sumunod noon ang alkalde sa utos at polisiya ng Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF-EID).
Ayon kay Malaya, ang ginawang pagpapatawag ng National Bureau of Invastigation (NBI) kay Sotto ay maituturing lamang na ‘political distraction’ ngayong nahaharap ang bansa sa isang health crisis dahil sa pananalasa ng coronavirus disease 2019 (COVID-19).
Giit ni Malaya, sa halip na pagtuunan ang ibang bagay ay dapat na naghahanda ang lahat at nagtutulungan upang masugpo ang COVID-19 crisis.
Nauna rito, pinadalhan ng NBI si Sotto ng isang liham at inanyayahang humarap sa kanilang tanggapan sa Abril 7 upang magpaliwanag hinggil sa posibleng paglabag sa “Bayanihan to Heal As One Act” matapos umanong payagang mag-operate ang mga tricycle sa Pasig City gayung suspendido ang public transportation dahil sa community quarantine.
Sinabi naman ni Malaya na kung ang DILG ang tatanungin ay tapos na at naresolba na ang naturang isyu.
Aminado siya na nagkaroon ng bahagyang ‘di pagkakaunawaan ang DILG at si Sotto ngunit naayos na aniya ito nang tumalima ang alkalde sa kautusan ng ahensiya.
“The mayor of Pasig was already cooperative. No issue in so far as the DILG is concerned now,” dagdag ng opisyal ng DILG. (Dolly B. Cabreza)