DILG: Mga kriminal babalik pag-GCQ

DILG ginaya si Isko; Kalsada sa Metro Manila paluluwagin

Inatasan ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ang Philippine National Police (PNP) na maging alerto pa rin sa kabilang ng 61% pagbaba ng krimen sa bansa dahil sa ipinatupad na enhanced community quarantine.

Ayon kay DILG Secretary Eduardo Año, hindi dapat magrelaks ang PNP sa halip ay manatiling alerto sa pagpapatupad ng batas dahil malaking bahagi ng bansa ang nakatakdang isailalim na sa general community quarantine (GCQ).

“Tiyak na babalik muli ang mga kriminal pag-GCQ na dahil magpapanggap sila na papasok kuno sa trabaho. Kaya paalala ko sa ating kapulisan na maghigpit sa mga checkpoint at dalasan ang pagroronda para masawata ang mga kawatan,” paalala ng kalihim sa PNP.

Inilahad din ni Año na mananatili ang mga police checkpoint at ang pagpapatupad ng quarantine pass ng mga local government unit sa panahon ng GCQ dahil limitado pa rin ang galaw ng mga tao at ang mga may trabaho lamang sa mga piling industriya ang puwedeng lumabas sa kanilang mga tahanan at bumiyahe.

“Mas matindi ang inaasahang pagpapairal ng batas sa panahon ng GCQ dahil nariyan pa rin ang banta ng coronavirus at samahan pa ng mga masasamang-loob na wala rin namang pinipiling panahon at krisis,” ayon pa sa kalihim.