Inaprubahan na ng Department of Interior and Local Government (DILG) ang balik-kalsada ng mga tricycle sa Pasig City, simula sa Lunes, May 18.
“Good news! Inaprubahan na ng DILG ang Pasig LGU guidelines para sa operations ng mga tricycle!” ayon kay Pasig City Mayor Vico Sotto sa panayam nitong Sabado.
Agad namang nag-post si Sotto ng mga ‘guidelines’ na dapat sundin ng mga tricycle driver at operator, maging ang mga mananakay.
Sa kasunduan, isang pasahero lamang ang isasakay sa tricycle, subalit kapag ang pasahero ay kailangan ng medical attention, papayagan itong magsama ng isa pang pasahero.
Kailangan ding may ‘barrier’ o harang na nakalagay sa pagitan ng pasahero at driver ng tricycle.
Ayon kay Sotto, ang mga tricycle unit ay kailangang i-disinfect ng dalawang beses kada araw. Ang Pasig LGU ang magkakalob ng disinfectants sa tricycle operators.
Samantala, ang private tricycles ay papayagan namang makabiyahe pero dapat may nakalagay na signage o karatula na may nakasaad na “Not for hire”.
Iginiit naman ng alkalde na ang iba pang uri ng public transportation kabilang ang jeepney, trains, at buses, ay hindi pa pinapayagang makapag-operate sa lugar na nasa ilalim pa ng modified enhanced community quarantine (MECQ). (Dolly B. Cabreza)