DILG todo depensa sa mga pulis sa ‘Negros massacre’

Tinawag na ‘communist propaganda’ ni Interior Secretary Eduardo Año ang mga alegasyong ‘masaker’ ang naganap na operasyon ng militar at mga pulis sa Negros Oriental, na ikinasawi ng 14 na umano’y magsasaka.

Sinabi ng kalihim, ang alegasyong ito ay bahagi ng karaniwang ginagawang maling impormasyon at propaganda campaign ng CPP-NPA-NDF at ng kanilang communist front organizations upang pasamain ang gobyerno sa gitna ng malakas na ebidensya laban sa kanila.

“Paano nila masasabing isa iyong masaker gayong 12 sa mga suspek ang naaresto sa operasyon? Halatang-halata na naman na pilit na sinisiraan ng mga makakaliwa ang pamahalaan at pumopostura na naman sila na kakampi ng mamamayan,” pahayag ni Año.

Tiniyak ng DILG na magbibigay sila ng matibay na depensa para sa puwersa ng PNP na kasama sa ilang operas­yon sa naturang lalawigan.

“Aalalayan ng kagawaran ang aming police officers at bibigyan namin sila ng matibay na ligal na depensa para tulungan silang malagpasan ang anumang ligal na hamon o pagsubok na maaaring dumating dulot ng ilang operasyon sa Negros Oriental,” sabi ni Año.

Nanindigan rin si Año na lahat ng mga operasyon ay maayos ang pagkakasagawa at alinsunod sa search warrants mula sa mga Regional Trial Court ng Negros Oriental.

Matatandaang 14 na hinihinalang rebeldeng komunista ang napatay sa magkakahiwalay na operasyon kontra sa iligal na armas sa siyudad ng Canlaon at dalawa pang bayan sa Negros Oriental nitong nakaraang weekend nang paputukan ng baril ang mga pulisya na noo’y naghahain ng search warrants. (Dolly ­Cabreza)