Dimples muntik maging separada

NI:ARCHIE LIAO

Sa confession nina Dimples Romana at ng mister nitong si Boyet Ahmee sa inspirational guru na si Bo Sanchez, inamin nila na muntik na silang maghiwalay.

Sa loob kasi ng labingpitong taon ng kanilang pagsasama, dumaan sila sa napakaraming pagsubok.

Tulad ng sinumang mag-asawa, marami rin daw silang naging away.

“We were fighting so much. We almost killed each other, talagang nagpapatayan na kami sa salita. Rurok na talaga ng kainisan namin sa isa’t-isa kasi ang dami naming pinagdadaanan, plus we were parents right away,” kuwento niya.

Aminado siyang kulang pa rin sila sa maturity noon dahil 19 years pa lang siya nang magpakasal siya kay Boyet.

“We were not able to experience our marriage na kaming dalawa na lang muna. That’s the basic adjustment na nahirapan kami.There were a lot of things that we had to fix,”aniya.

“I remember having this argument before, ang away namin petty na lumaki na lang. Nagka-realization ako, pagod na pagod na ’ko. ‘Walang sense itong pinag-aawayan natin. I’d rather argue with you kung ano ang mga pangalan ng mga anak natin, anong lulutuin natin.’ So nahimasmasan kami parehas,” dugtong niya.

Malaki rin daw tulong ang pananampalataya sa Diyos kaya nalampasan nila ang kanilang mga pagsubok at nanatiling buo ang kanilang pagsasama.

“We realized na wala palang kakuwenta-kuwenta ang pinag-aawayan namin,” ani Dimples. “Natanggap namin iyong mga shortcomings namin na hindi naging madali noong una,”dugtong niya.

Kahit din daw sila nag-aaway, hindi raw naman nawala ang respeto nila sa isa’t-isa.

Malaking bagay rin daw ang kanilang mga anak na sina Callie at Alonzo para mas mapagbuklod pa ang kanilang pagsasama.

Sa ngayon daw, dahil sa sentro ang Diyos sa kanilang pagsasama, pinagtatawanan na lang nila ang mga bagay na pinag-aawayan noon.