Pinagpag ng Outkast FC ang makulit na Stallion-Hiraya, kinumpleto ang come-from-behind 2-1 win para sikwatin ang inaugural Philam Life 7s Women’s Football League crown nitong weekend sa McKinley Hill Stadium, Taguig.
Sa men’s, niresbakan ng Ghana FC ang tumalo sa kanila noong nakaraang season na Super Eagles 3-1.
Sinindihan ni Aiza Mondero ng Hiraya ang maagang scoring sa first half, tapos ay binulabog ang bawat posesyon ng kalaban.
Nasa unahan ang Stallion-Hiraya hanggang bukana ng second half, pero naghihintay lang pala ng pagkakataon ang veterans ng Outkast sa pangunguna nina Let Dimzon at Loreta Ladero.
Unang ibinaon ni Dimzon ang panabla ng Outkast. Dumating ang go-ahead goal ni Ladero nang salubungin sa ere ang cross ni Alesa Dolino.
Lagpas ang bola kay Hiraya coach-goal keeper Haya Ibarra bago humalik sa likod ng net.
Naghigpit din ang depensa ng Outkast, hindi makaalpas sa counter attacks ang Hiraya. Kinontrol ng Outkast ang bawat posesyon nila para ipreserba ang panalo.
“Maganda ‘yung chemistry namin, tsaka guided kami ni coach Let. ‘Yung system na pinasa niya sa amin is maganda kasi siya ang nakakaalam ng lahat ng nangyayari sa loob,” ani Mea Bernal. “’Yun talaga nagdala sa amin sa laro na ‘to. Siya ‘yung utak namin, kaya sa kanya kami kumukuha ng tips.” (Vladi Eduarte)