Walang hirap na sinikwat ng nag-uumentong Foton Tornadoes ang panalo matapos harurutin sa tatlong set ang Generika-Ayala Lifesavers 25-16, 28-26, 25-15 kagabi sa Philippine Superliga All-Filipino Conference sa FilOil Flying V Centre sa San Juan.

Tumikada si Dindin Santiago-Manabat ng 18 attacks at isang block upang akbayan ang Tornadoes sa kanilang pang-anim na sunod na panalo at ilista ang 7-3 karta.

Ayon kay Manabat, nag-focus sila sa service receive upang makabawi sila sa Lifesavers na tinalo sila sa first round.

“Bawal na kasi mag-relax ngayong second round, every game is importante,” hayag ni Manabat. “Focus kami kung saan kami weak, service receive at service receive paulit-ulit.”

Tabla ang iskor sa 8-all sa third set subalit biglang uminit ang opensa ng Tornadoes, humataw sila ng 12-3 run para hawakan ang 20-11 bentahe at tapusin na ang laro.

Si Jaja Jantiago ang huling pumuntos para sa Foton, isang malutong na palo ang kinana ng nakababatang kapatid ni Manabat. (Elech Dawa)