Mga laro sa Martes:
(Bacoor Sports Center)
4:15 pm — SLR vs Generika-Ayala
7:00 pm — Cocolife vs Cignal

Nagbigay ng mensahe si Dindin Manabat sa kanyang pagbabalik laro.

Ipinaramdam ni 6-foot-2 Manabat ang kanyang lakas matapos nitong tulungan ang Foton sa 25-19, 22-25, 25-16, 25-22 panalo kontra Generika-Ayala kahapon sa pagbubukas ng Chooks to Go-Philippine Superliga (PSL) Grand Prix sa Ynares Sports Center sa Pasig City.

Matagal na nagbakasyon dahil sa anterior cruciate ligament (ACL) injury nakaraang taon, bumalasik si power-hitting Manabat sa third at fourth sets upang akbayan ang Tornadoes sa kanilang unang panalo ngayong conference.

Kumayod si Manabat ng 14 points kasama ang walong kills at limang service aces habang bumakas si American import Brooke Kanda ng 21 puntos mula sa 17 attacks at dalawang blocks para sa Foton na misyong makabawi matapos mabigo sa Grand Prix crown laban sa F2 Logistics noong 2017.

Tumikada rin si Canadian reinforcement Elizabeth Wendel ng 11 puntos para sa Tornadoes sa event na suportado ng Isuzu, Rebisco at UCPB Gen habang ang ESPN5 ang official broadcast partner.

Pero para kay head coach Rommel Abella kulang pa ang ipinakitang tikas ng kanyang mga bataan para makamit ang inaasam na titulo sa ligang inisponsoran ng Mikasa, Senoh, Mueller, LGR, Gold’s Gym at Grand Sport.

“If I’ll put a number on it, I think around 60 to 70 percent pa lang,” saad ni Abella na pinalitan si Serbian coach Moro Branislav. “We’re still a bit stiff and jittery. Hopefully, we could eliminate all the mistakes we had. Anyway, this is still a very good start,”