Sa Mendiola, Maynila lumipat ang may 70 pamilya na isinailalim sa demolisyon sa Sta. Lucia, Pasig City kamakailan para igiit sa gobyerno na matulungan sila sa kanilang problema sa lupa at pabahay.
Ayon kay Rodrigo Villareal, presidente ng Baligwas Kadamay group, naninindigan sila para ipaglaban ang kanilang karapatan sa lupa at pabahay ng gobyerno.
“Sana po, Pangulong Duterte, kami po ay inyong tulungan. Wala na po kaming ibang malapitan kundi kayo nalang. Sana po, makita niyo po ang kalagayan ng mga tao dito, malapit lamang sa bakuran mo, Presidente,” ayon kay Villareal sa isang programa na ginawa sa Mendiola.
Nabatid na may 900 pamilya ang nawalan ng tahanan matapos magsagawa ng demolisyon sa East Bank ng Manggahan Floodway sa Sta. Lucia, Pasig noong nakalipas na buwan na nakatikim umano ng pananakot at pangha-harass ang mga pamilyang pinaalis.
Pinuntahan rin ni Secretary Liza Maza ng National Anti-Poverty Commission (NAPC) para tingnan ang kondisyon ng mga nagkampong pamilya sa Mendiola.
“Unang-una ang napansin ko, marami dito ay kababaihan, mga bata, at meron pang mga infants. Kailangan nang masolusyunan, maresolbahan ng mabilis itong problema nila,” ayon kay Maza.
Tinanggihan ng mga nawalan ng tahanan ang ibinibigay na relokasyon sa Tanay, Rizal dahil bukod sa malayo sa kanilang trabaho ay ‘sub standard’ umano ang bahay.