Dingdong hindi na nagpapalit ng brief!

Dingdong Dantes

NABAWASAN ng halos 15 pounds si Dingdong Dantes dahil sa ensayo at mga maaaksyong eksena niya sa Alyas Ro­bin Hood.

Gumanda ang katawan niya na bagay sa role niya bilang Pepe de Jesus sa naturang drama series.

Malaki rin ang nagawa ng sunud-sunod na trabaho kaya siya nangangayayat.

Bukod sa taping niya sa Alyas Ro­bin Hood kung Lunes, Miyerkules at Biyernes, nagsu-shooting siya ng pelikula niyang Unmarried Wife kapag Martes at Sabado.

‘Pag Huwebes ay nago-opisina siya sa Yes Pinoy Foundation.

Nag-aalaga naman siya kay Baby Zia pagdating ng Linggo dahil nasa Sunday Pinasaya si Marian Rivera.

“Hindi na nga ako nagpapalit ng brief,” natatawang biro sa amin ng Kapuso aktor.

Tinitiyak ni Dingdong na hindi siya nagkulang ng oras para sa kanyang pamilya lalo na kay Baby Zia.

“Ako, sinisiguro ko talaga na bago ako uma-lis naglalaro kami kahit sandali.

“Kahit anong pagod at puyat, sinisiguro ko na talagang meron ka­ming oras sa isa’t isa,” pakli ni Dingdong.

Excited siya sa dara­ting na Pasko dahil tingin niya, magkakaroon siya ng sapat na panahon para sa kanyang pamilya.

Kung ma-extend pa ang Alyas Robin Hood, medyo bawas na ang trabaho dahil tapos na siya niyan sa pelikula niyang Unmarried Wife na itinuturing ni Dingdong na isa sa pinakama­bigat niyang pelikula.

Wala sila gaanong daring scenes ni Angeli­ca Panganiban kung ikukumpa­ra sa One More Try, pero daring ang pagkadrama nila ng Kapamil­ya actress.

Kakaibang drama raw talaga itong Unmarried Wife, na dinirek ni Maryo J. de los Reyes.

“Siguro ‘yung magiging da­ring, ‘yung emosyon. Hindi siya physically daring,” pakli ni Dingdong.

“Seryoso ‘yung pelikula eh. Wala pa akong napapanood na anything, so hindi ko alam kung ano ang magi­ging resulta ng kabuuan.

“Pero knowing how direk Maryo J. de los Reyes works, and of course ang kahusayan ni Angelica Panganiban at ni Paulo Avelino eh walang kaduda-duda na maganda ang kalalabasan,” pahayag ng Kapuso actor.

Agree si A­ngelica, “Habang tumatagal kami sa paggawa ng movie, marami akong na-discover sa lahat na nakatrabaho ko. Hindi lang sa mga artistang involved.

“Habang tumatagal at nabubuo na namin ‘yung kuwento at natatapos na siya, mas exciting na talaga siya sa paki­ramdam.

“At excited ako na mapanood ng mga tao ang isang bagong kuwento nang pagmamahalan na ibibigay ng Star Ci­nema.”

Samantala, nahingan na rin ng reaksyon si Dingdong Dantes tungkol sa listahan ng pangalan ng mga celebrities na sangkot sa illegal drugs.

Nagpahayag si Gen. Ronald ‘Bato’ de la Rosa na may 30 celebrities ang nasa listahan nila at ibinigay na nila ito kay Pres. Rodrigo Duterte.

Nasa pangulo na ‘yan kung babanggitin ba niya o hindi.

Sabi naman ni Dingdong, hindi na siya interesadong alamin kung sinu-sino ang mga ito.

Aniya, “Mas interesado akong gampanan ‘yung mga tungkulin ko dito sa industriya, sa lugar ko, sa foundation ko, sa community.

“What matters is what we’re doing now. And for me, ito ‘yung aking tool bilang artista na makapagbigay inspirasyon sa pamamagitan ng trabaho namin.

“Ito’y isang privilege na hindi naman nabibigay sa lahat. So, ako gagamitin ko ito bilang isang aktor ng GMA to promote positive Filipino values, to promote how it is to be a responsible citizen. These things na puwede naman nating gawin artista ka man o hindi.

It’s just a matter of kung saan ka o anong perspektibo at kung ano ‘yung magnitude that reach.”