SINURPRESA si Dingdong Dantes ng co-stars at production staff ng bagong drama series niya sa GMA 7.

Bale ngayong araw ang selebrasyon ng GMA Primetime King at wala siyang bonggang birthday party.

Ang mahalaga ay kasama niya ang pamilya niya para sa isang simpleng salu-salo.

Pahayag ng aktor, “Kakain lang kami eh kung saan man. Hindi pa sinasabi sa akin kung saan.

Hinahayaan ko na lang ang asawa ko kung ano man ang plano.

“Mahalaga para sa akin na tatlo kami magsama-sama, okay na ‘yun. Saka ‘yung family ko, sa gabi.

“Siguro sa lunch kaming tatlo, tapos sa gabi kasama ko na ‘yung fa­mily.

“Ayos na ‘yun. Hindi gaya nu’ng dati na may selebrasyon pa. Kuntento ako sa ganu’ng simpleng way of celebrating.”

Pero mukhang may pinaghahandaan sina Marian at maaring katulong ang PPL Entertainment, kaya baka sopresahin na lang nila ang aktor.

Bale 36 years old na si Dingdong at memorable sa kanya ito dahil first birthday niya na isa na siyang daddy kasama ang cute nilang si Baby Zia.

Natutuwa siya dahil ang laki na nang ipinagbago ng kanilang anak ngayong 8 months na ito.

Kamakailan ay nag-post si Marian sa Instagram ng cute picture din ni Baby Zia na ang nasa caption nito ay may hashtag na #PurelyBreastFed.

Kailangang makauwi agad si Marian para personal niyang maalagaan ang baby at mapapa-breastfeed pa niya ito.

Sabi ni Dingdong, hindi niya ino-obliga na mag-work si Marian. Pero kahit may gagawin man siyang drama series o wala, nagagawa nilang i-manage nang maayos ang schedule nila sa pamilya, sa pagpapalaki kay Baby Zia at sa trabaho.

“At this stage kasi, mahalaga na nandu’n kaming pareho sa pagpapalaki ng anak namin.

Regardless kung soap man ‘yan o hindi, ‘yung mga priorities ay nakatuon talaga sa pagpapalaki.

“Ang ibig sabihin nu’n, may mga bagay na hindi magagawa na, kagaya ng ginagawa namin noon.

Dingdong Dantes, Baby Zia at Marian Rivera
Dingdong Dantes, Baby Zia at Marian Rivera

“Hindi naman ibig sabihin na totally ay hindi na siya magagawa at all. Maaring mabawasan, and like what I said, sa stage lang na ito.

“Lalaki naman ‘yan, ang mahalaga nandu’n kami para sa kanya,” pahayag ni Dingdong.

“Hindi naman totally mawawala ‘yung work niya, eh. Siyempre, nandiyan pa rin ‘yung Sunday show, may mga iba pa siyang commitments.

“Meron mang Yan ang Morning o wala, may taping man o wala gaya ng Encantadia, balanse parati ‘yung ginagawa namin.

“Sinisiguro niya na may oras talaga para sa bahay, may oras para sa pagpapalaki ng anak, at may oras para sa trabaho.

“Hindi naman pupuwede 100% ay iiwan mo ang work. Siyempre marami ring commitments, and at the same time siyempre ini-enjoy naman niya ‘yung kanyang ginagawa,” dagdag pa niyang pahayag.

Meron pa bang birthday wish ang Kapuso actor?

“Siguro, na lumaki nang maayos, healthy at maging isang mabuting tao ‘yung aming anak,” sagot nito.

Napangiti na lang siya nang sinundan namin ng tanong kung wish din ba niyang magkaroon na ng kapatid si Baby Zia.

“Tingnan na lang natin. Kasi, parati namang nasa wish list naman ‘yan.

“Pero kung ano ‘yung ibigay ni God, ‘yun na ‘yung aming pasasalamat talaga,” sagot ni Dingdong.

***

Megan Young
Megan Young

Kakaiba ang role na gagampanan ni Dingdong sa bago niyang drama series na kung saan makakasama niya sina Megan Young at Andrea Torres.

Ayaw lang muna nilang sabihin kung ano ang title dahil may malaking campaign sila para sa title nito at para sa promo ng naturang serye.

“I’m very eager na ako to start working and happy ako na makakasama ko ang mga artistang kasama ko ngayon dito.

“Maganda ‘yung feeling na siyempre para sa akin na nagi­ging part ka sa pag-solve ng isang problem sa lugar ninyo na tumutulong ka sa community, pero ang mas mahalaga du’n, ‘yung paghanap ng katotohanan.

“I think ‘yun ang isang main na ano na gusto ma-achieve ng isang kuwento na malaman niya ‘yung kung saan ka nagmula at kung sino ang may kagagawa ng lahat.

“Medyo kumplikado, basta ang mahalaga excited ako dahil actiond-packed siya,” masa­yang saad ni Dingdong.

May pagka-action hero siya rito na mapapasabak sa matinding action scenes na kailangan na niyang paghandaan.