Dingdong, Mikael at Benjamin pinagkaguluhan sa Bangkok

Successful at mainit ang pagtanggap ng mga programa ng GMA 7 na ini-launch sa Bangkok, Thailand kahapon ng umaga.

Nakipag-partner ang GMA 7 sa JKN Global Media Inc. na kung saan dinala roon sa Thailand ang mga seryeng Ang Dalawang Mrs. Real, My Faithful Husband, at Beautiful Strangers.

Nagkaroon ng mala­king event doon ang JKN Global Media na tinawag nilang Have a Bright Day na dinaluhan nina Dingdong Dantes, Mikael Daez at Benjamin Alves na bida sa tatlong seryeng nabanggit.

Sa March na raw magsisimula ang Ang Dalawang Mrs. Real na ginawa na nilang The Other Mrs. Real at nai-dub na sa Thai, at susunod na rin ang My Faithful Husband at Beautiful Strangers.

Wagi ang kaguwapuhan doon nina Dingdong, Mikael at Benjamin na nag-promote ng kanilang programa sa mga Thai national na nagkagulo sa kanila.

Bukod sa tatlong Kapuso soaps na nabanggit, ipalalabas din ang iba pang top-rated drama series na Destiny Rose, Once Upon a Kiss, Carmela at My Husband’s Lover.