Dinukot na babaeng POGO worker tumangging magpa-imbestiga

Pinaaawat ngayon ng babaeng napaulat na dinukot kamakailan sa Makati ang isinasagawang imbestigasyon ng pulisya sa kanyang kaso.

Sa nakalap na report, sinabi ni Police Col. Rogelio Simon, hepe ng Makati City police, na sa halip na personal na magtungo sa kanilang himpilan, isang courier umano ang nagdala sa kanilang himpilan ng liham mula sa sinasabing biktima ng kidnapping sa Makati na nagsasabing humirit na tuldukan na ng Makati Police ang isinagawang imbestigasyon sa kanyang kaso.

Ang biktimang lady Chinese na si Zhou Mei na napag-alamang empleyado ng Philippine Offshore gaming operation ay nag-viral sa social media nang makuha sa CCTV ang ginawang pagdukot sa kanya at pilit na ipinasok sa isang van noong Disyembre 9 sa Paseo De Roxas, Makati City.

Kalaunan ay napabalitang pinauwi at hinatid na rin ito sa kanyang tirahan.
Sa nasabing sulat umano ni Mei ay hiniling nitong tapusin na ang isinasagawang imbestigasyon sa kanyang kaso para makapag-move on na ito, mabalik sa normal ang kanyang routine at makapag-pokus na sa kanyang pamilya at trabaho.

Patuloy namang vina-validate nga-yon ng Makati Police kung talagang mula mismo sa biktima nagmula ang sulat.