Dinukot ng pogo boss: 2 Chinese sinagip sa Fontana

Dalawang Chinese ang ni-rescue ng Anti-Kidnapping Group ng Philippine National Police (PNP-AKG) Lunes ng gabi matapos dukutin at dalhin sa isang casino hotel sa Clark, Pampanga kung saan sila pinahirapan ng babaeng super­visor ng Philippine Offshore Gaming Operator (POGO) dahil umayaw sa kanilang trabaho.

Kinilala ni PNP-AKG Luzon Field Unit chief Lt. Col. Villaflor Bannawagan, ang sinagip na mga biktimang sina Chenger Qiang at Zhoang Song Qin.

Arestado naman ang kanilang kababayan na si Zhu Li, supervisor ng Shidaikan Technology Corporation, at ang kasama nitong Pinoy na si Julius Gangan, umano’y dating sundalo na nag-absent without official leave (AWOL) sa serbisyo mula pa noong 2004.

Ayon kay Bannawagan, ikinasa ang rescue operation matapos humingi ng tulong ang mga kaibigan ng dalawang biktima na sina Lou Liqiang at Zhejiang sa PNP-AKG sa Camp Crame hinggil sa umano’y pag-kidnap sa mga ito at dinala sa isang hotel sa Clark, Pampanga noon pang Pebrero 22, Sabado.

Lumalabas sa imbestigasyon ni Bannawagan na ang mga biktima ay empleyado ng Shidaikan Technology Corporation, isang POGO na umuupa sa Eurotel sa Makati City.

Base sa salaysay ng mga biktima, kinuha sila bilang mga computer technician subalit pagdating sa Pilipinas ay bumagsak sila bilang mga POGO worker kaya umalis sila sa nasabing kompanya makalipas ang tatlong buwan na pagtatrabaho.

Subalit hindi sila pinayagan ni Zhu at dinala ang ­dalawang biktima sa Fontana Leisure Park sa Clark.

Nakuha namang makahingi ng tulong ng mga biktima sa dalawa nilang kaibigan na siyang nagparating sa pamunuan ng PNP-AKG na agad nagsagawa ng rescue operation.

Dakong alas-sais ng gabi noong Lunes sinugod ng mga tauhan ng PNP-AKG ang Room 3704 ng Fontana Leisure Park at doon naabutan ang mga biktima gayundin ang dalawang suspek.

Nakuha sa mga suspek ang isang baril na kalibre .45, dalawang magazine na kargado ng tig-anim na bala, ­dalawang posas at patalim.

Ayon sa mga biktima, sinasaktan sila ng mga suspek, patunay ang ipinakitang mga pasa sa kanilang katawan.

Nasa kustodiya na ng PNP-AKG ang mga suspek at inihahanda na ang kasong isasampa laban sa mga ito. (Edwin Balasa)