Diokno ayaw maging kapalit si Arroyo

Kung si bagong Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) Governor Benjamin Diokno ang masusunod, nais nitong hindi politiko o dating politiko ang sasalo sa kanyang binakanteng puwesto sa Department of Budget and Management (DBM).

Gayunman, tumanggi si Diokno na ipali­wanag ang dahilan kung bakit ayaw niya na politiko o dating politiko ang magpatakbo sa iniwanang ­departamento.

Tumanggi namang magkomento si Diokno sa posibilidad na si dating Pangulo at ngayo’y House Speaker Gloria Maca­pagal-Arroyo ang itata­laga ni Pangulong Rodrigo Duterte bilang susunod na kalihim ng DBM.

Kasabay nito, iniha­yag ni Diokno na si Finance Secretary Carlos Dominguez III ang nagrekomenda sa kanya bilang BSP governor.

Tinanong umano siya ni Dominguez kung sino sa kanyang palagay ang maaaring ipalit kay BSP Governor Nestor Espenilla Jr. na pumanaw kamakailan at sinagot naman nitong kahit sino sa mga BSP deputy basta kuwalipikado sa puwesto.

Pero sinabi umano ni Dominguez na bakit hindi na lang siya na kanya namang sinagot ng “Sure, why not” kaya napunta sa kanya ang puwesto ni Espenilla.