Hindi na sisipot si Budget Secretary Benjamin Diokno sa ipapatawag na hearing ng Kamara para sa panukalang 2019 national budget na gagawin sa Naga sa Enero.
Sinabi ni Presidential Spokesman Salvador Panelo na mismong si Pangulong Rodrigo Duterte ang nagsabi na baka bastusin na naman ang kalihim kaya mas mabuting huwag itong dumalo.
“There is only one who cannot make him go there, it’s the President. So presumably it’s coming from the President. Perhaps, the fear there is he might again be receiving the same rude treatment,” ani Panelo.
May standing order si Pangulong Duterte sa mga opisyal ng gobyerno na kapag naramdamang binabastos na sila ng mga mambabatas sa ipinapatawag na imbestigasyon ay pinayuhang magalang na magpaalam at layasan ang Kamara at Senado.
Sinabi ni Panelo na walang saysay ang ibinibigay na mga katanungan sa mga resource person dahil hindi naman itinatanong, bagkus ay pambabastos ang inaabot ng mga inimbitahang mga opisyal ng gobyerno.
“If you will be submitting questions to the resource person and you’ll not be asking them, so what’s the use of going there? We will always respond to any invitations. All we ask is, please give us the courtesy as we give the same to you,” dagdag ni Panelo.