Diokno kumasa kay Andaya: Kasuhan mo ako!

Hinamon ni Budget Secretary Benjamin Diokno si House Majo­rity Leader at Camarines Sur Rep. Rolando Andaya Jr. na ituloy ang banta nitong kasuhan siya kapag hindi nai­patupad ang umento sa suweldo ng mga kawani ng gobyerno.

Sinabi ni Diokno na hindi maibibigay ang last tranche ng dagdag-sahod sa ilalim ng Salary Standardization Law dahil ang ginagamit ngayon ng gobyerno ay reenacted budget.

Wala aniya sanang problema kung naipasa ng mga mambabatas ang 2019 national budget dahil maaga namang naisumite ito ng ehekutibo.

“We are operating under the 2018 ree­nacted budget, so there’s no legal basis for us to pay. You cannot force me to do something which is unconstitutional,” ani Diokno.

Sinabi ng Kalihim na habang hindi pa nakakalusot sa Kongreso ang panukalang budget ngayong taon, patuloy na matatanggap ng mga kawani ng gobyerno ang kanilang sahod na nakapaloob sa third tranche compensation adjustment.