Diokno pinaikot si Villar

Umabuso diumano si Department of Budget and Management (DBM) Secretary Benjamin Diokno, ayon kay House Minority Leader at Quezon Rep. Danilo Suarez.

Partikular na tinukoy ni Suarez ang ginawa umano ni Diokno na nilampasan at pinaikutan si Department of Public Works and Highways (DPWH) Secretary Mark Villar.

“Yun namang issue ng encoding na sinasabi ng DPWH na ‘yung P75 billion hindi alam ni Sec. Villar, naka­kabahala talaga iyon,” paghahayag ni Suarez sa pulong-balitaan kahapon.

Inaakusahan si Diok­no na nagsingit ng P75 bilyon para sa mga flood control project sa Sorsogon na idinaan sa DPWH at nakasapin sa 2019 national budget.

May isiningit din umano si Diokno na P54 bilyon sa 2018 budget.

Kahit pa ipinasok sa DPWH ay nilinaw ni Villar na wala siyang alam patungkol dito.

“Makikita mo ‘yung abuso ng kalihim ng Budget na hindi alam ng kapwa niya gabinete na naglagay siya ng ganung kalaking increase sa DPWH. Not even the President is aware,” sabi ni Suarez.