Bilang bahagi ng pagpapaigting ng kampanya kontra iligal na droga ng gobyernong Duterte ay isinailalim sa seminar sa anti-illegal drugs operations and investigation ang ilang miyembro ng Quezon City Police District (QCPD).
Kaugnay nito ay kinumpirma ni QCPD Acting District Director Senior Supt. Guillermo Lorenzo Eleazar na natapos nang sumailalim sa apat na araw na seminar ang mga bagong miyembro ng District Anti-Drug Unit Special Operations Task Group (DAID-SOTG).
Sa ngayon ay mayroong mga bagong miyembro ng DAID-SOTG na binubuo ng limang opisyal at 66 tauhan.
Ang mga bagong miyembro ng DAID-SOTG ay itinalaga kasunod ng ginawang pagsibak noong Hulyo 27, 2016 ni Director Eleazar sa mga pulis mula sa anti-drug unit.
Sa mga nasibak na tauhan ng QCPD 17 dito ay mula sa Station 6, at 35 mula sa District Anti-Drug Unit.
Pero sa pagpapatuloy ng imbestigasyon sa mga sinibak na pulis ay may ilang ibinalik sa puwesto makaraang mapatunayang walang kinalaman sa operasyon ng iligal na droga at sa iba ikinakabit na anomalya.
Ang dalawang pulis naman na kasama sa mga nabanggit ni Pangulong Rodrigo Duterte na kasama sa listahan na sina SPO2 Johnny Dela Cruz Mahilum at SPO1 Eric Arguta Lazo na dating nakatalaga sa DAID ay inilipat na sa Philippine National Police (PNP) Personnel Holding and Accounting Office sa Kampo Crame.
Bukod sa mga nabanggit ay puspusan ang ginagawang imbestigasyon ng QCPD sa nalalabing 69 pulis mula sa orihinal na 88 na sinibak noong Hulyo.
Ang mga mapapatunayan umanong guilty ay tuluyan namang aalisin sa serbisyo pagkatapos ng gagawing dismissal proceedings.
Pero ang mabuti sa prosesong ipinaiiral ng QCPD ayon kay Director Eleazar ay idadaan lahat ito sa proseso. Titiyakin aniyang may due process para katanggap-tanggap sa mga maakusahang miyembro ng ating kapulisan.