Nag-iipon na ng ebidensya ang kontrobersyal na direktor na si Darryl Yap sa mga nagbabansag sa kanyang pedophile.

Sa Facebook post ni Yap, director ng pelikulang ‘Jowable’, sinabi nito na kanyang kakasuhan ang mga nagsasabing umano’y siya ay pedophile.

“Mula sa pag-screenshot ng mga tweets ko mula sa iba’t-ibang thread at dates, na binigyan nila ng malalaswang pakahulugan hanggang sa pag-e-edit na mismo ng mga tweets na hindi naman galing sa akin hanggang sa pagsasabi na ako raw ay umamin na isa akong pedophile at proud pa ako rito — ngayon, ikinokonekta na sa mga article na wala akong kinalaman,” ayon kay Yap, na sumikat dahil sa mga kontrobersyal na short film sa ‘Vincentiments’.

“Matagal ko nang dinepensahan ang aking sarili; ngunit bumubuo sila ng bagong issue upang magmukhang totoo. I am not a pedophile, I never abused children, I never admitted such and being tagged as one is very harmful not only to me but to the concerned society,” aniya pa.

Matatandaan na pinaratangan si Yap na pedophile matapos kumalat ang ilang tweet nito kung saan umamin umano ang direktor na may naging karelasyon na bata. (RP)