Director positive sa coronavirus

Nakahinga nang maluwag ang mga nagmamahal kay Mr. Christopher de Leon nang malamang okey ang lagay ng aktor matapos itong magpositibo sa COVID-19.

May sipon lang daw ito at medyo masakit ang likod, pero dahil ‘yon sa nadulas pala ang aktor sa hagdan kaya kailangang i-X-ray ang back nito.

Naka-confine sa isang ospital si Papa Bo (tawag namin sa batikang aktor) habang ang pamilya niya ay naka-quarantine sa bahay.

Kabilang kami sa napakaraming naniniwala na kayang-kayang malagpasan ito ng Drama King, lalo na’t napaka-healthy ng lifestyle nito at very physically fit ito sa edad na 63.

Ang maybahay niyang si Ms. Sandy Andolong ay nagpa-test na rin at dalangin namin na mag-negative ito sa virus, pati na ang anak nilang si Mica at buong household nila.

Posibleng sa taping daw ng teleserye nilang “Love Thy Woman” ito nakuha ni Papa Bo, kaya sinabihan na ang mga katrabaho niya na mag-self quarantine.

At kahit tinigil ang taping ng mga teleserye ay patuloy daw na imo-monitor ang sitwasyon ng mga may kinalaman sa show at bibigyan ng assistance at suporta ang mga naapektuhan.

Kaugnay nito, gaano kaya katotoo ang nakarating sa amin na after Boyet ay isang direktor naman daw mula sa isang malaking network ang nag-positive sa coronavirus?

May ongoing serye ang nasabing direktor kaya palagi ito sa compound ng nasabing network at nagpa-preview ng mga eksena kasama ang editor nito.

Ang dinig namin, pati ang EP (executive producer) ni direk ay nahawa na rin ng virus.

Ang editor daw nito ay considered PUI (o person under investigation) pa lang.

May posibilidad umanong na-contaminate ang iba’t ibang area ng production na inikutan nu’ng infected person, kaya may balitang ipinalinis at ipina-sterilize na ang key areas ng nasabing network.

Nakakatakot talaga ang mga ganap ngayon dahil sa pandemic na ito kaya dobleng ingat at huwag nang lalabas ng bahay kung hindi kailangan.

PAK!!

P3.3M donasyon nakolekta: Bela ayaw patalbog kay Angel

Hindi lang si Angel Locsin ang superhero ang dating ngayon sa ating mga kababayan kundi pati si Bela Padilla, na ex-girlfriend ng fiancé ni Angel na si Neil Arce.

Naawa si Bela sa mga maralitang tagalunsod na higit na apektado ng lockdown at quarantine dahil wala silang pagkukunan ng makakain.

Ito ‘yung mga kailangang lumabas sa kalsada para magtinda o gumawa ng pagkakakitaan dahil kung hindi ay mamamatay sila sa gutom.

Good job si Bela dahil kahapon ay may nag-donate sa online fundraising campaign niya ng P2M kaya tuwang-tuwa siya.

Mabilis na-hit ni Bela in just 2 days ang target niyang cash donations na P1M dahil ang daming mababait na nagbigay. So, as of kahapon ay P3.3M na ang nalikom niya.

Sakses ang Pagkain Para sa Pinoy fund drive ni Bela, na ang sabi niya ay sisiguraduhin niya personally na mapupunta sa mga taong dapat puntahan nito.

Nakakatuwa dahil tiyak na maraming makikinabang sa food donations ni Bela. Naghahanap lang daw siya ng best deals for food at hopefully ay mai-deliver na ang mga ito this week.

Talo pa ni Bela ang ibang city mayors na natutulog sa pansitan at hinahanap ng constituents nila dahil hindi mapagkikita sa panahong ito ng matinding krisis.

Kapuri-puri ang pagiging bukas-puso ni Bela na tumulong sa mga kababayan nating higit na nangangailangan.

Pagpapalain pa siya lalo dahil sa noble idea niya na ito na gamitin ang kanyang influence to help those who are in need.

Mukhang may mga ibang na-inspire si Bela sa ginawa niya, tulad ni Ice Seguerra na nagbabalak na mag-adopt ng barangay during the lockdown to help with their feeding program.

Nagtanong si Ice sa FB kung sinong mga game sa plano niyang ito at ang dami niyang kaibigan na nagpresintang sasali. Ang galing, ‘di ba?

Si Pokwang, bukod sa pamimigay ng sandwich sa frontliners, kahapon ay namudmod na rin si Pokie ng relief goods para sa mga nasa kalye na walang stock na pagkain ngayong panahon ng lockdown.

Very good ang mga celebs na ito na patuloy na nagbibigay ng pag-asa ngayong panahon ng hindi birong pagsubok na ating nararanasan.

PAK!!