Direk Brillante Mendoza, masaya kahit nataranta sa SONA ni PDigong

Brillante Mendoza

NAGKAROON ng pa-thank you lunch si Sen. Bongbong Marcos sa ilang mga kaibigang movie press kahapon.

Ang paboritong paksang pinag-usapan ay ang unang SONA ni Pres. Rodrigo Duterte.

Halos iisa ang nari­nig naming komento, hindi nila nagustuhan ang pagdirek ni Brillante Mendoza sa kabuuan ng SONA.

Ilang komentong naririnig namin ay parang indie film ang kuha. May anggulong magalaw ang kamera at hindi nila ma-gets ang under the table na kuha.

Mas simple, at ‘di magulong anggulo ng kamera, mas okay dahil naka-focus ang mga manonood sa mga sasabihin ng presidente.

Pagkatapos ng SONA, nagpahayag si direk Brillante na masaya siya sa kinalabasan nito.
Aminado siyang kinakabahan siya nang magsimula nang magsalita ang pangulo.

Pahayag ng premyadong direktor sa interview sa kanya sa News to Go ng GMA News TV, “Of course kinakabahan, kasi ang camera nakalagay sa mga lugar na hindi pa na-rehearse ang pangulo.

“Medyo nakaka-stress lang pag maraming ano… hindi mo na alam, eh. Lahat gumagalaw, eh.
“Marami kasi siyang adlib.”

Ipinaliwanag din ni direk Brillante ang komento ng ilan tungkol sa under the table shot nito.
“It shows power.

“We want to show power, that he is in control,” pakli nito.

Importante rin sa kanya na kinukunan ang mga galaw ng kamay, pati ang bibig at tight shot sa kamay at mukha nito para makunan ang nuances ni Pres. Duterte.

“Sana makuha nila ang message na ‘yun talaga ang style na hindi siya static,” pahayag pa ni direk Brillante.

Masaya siya sa kinalabasan ng SONA kahit medyo nataranta siya sa adlibs ng pangulo kaya hindi na niya nasusundan ang kopya ng speech.

***

Kahit hindi nagwagi at kasalukuyang ipinuprotesta pa rin ang pagkatalo ni Sen. Bongbong Marcos bilang Vice President sa nakaraang eleksyon, tiniyak niyang makapagpasa­lamat siya sa lahat.

Sinasabi niyang lahat na boto ay mahalaga sa kanya kaya manalo o mata­lo, gusto niyang iparating ang pasasalamat sa lahat.

“As a public servant, you cannot image what an honor and privilege to receive a vote.

“Yung tiwala at pagkikilala na ipinapakita sa pagboto sa ‘yo, para sa akin, napakalaking bagay,” pahayag ni Sen. Bongbong. Kaya tinitiyak niyang makapag-ikot sa lahat para personal na pasalamatan.

Hindi pa man naikot lahat ni Sen. Marcos ang buong bansa, pero gusto niyang mabigyan ito ng oras para maipadama sa lahat ang kasiyahang binoto at ibinigay sa kanya ang tiwala.

“Bukod pa du’n, hindi naman pinag-uusapan ang isa o dalawang boto lang eh, kundi ‘yung mil­yun-milyong Pilipino na bumoto. Napakala­king pasasalamat ang kinakailangan ko diyan,” dagdag na pahayag ni Sen. Bongbong.

Nandiyan pa rin ang inihain niyang protesta at lalo raw dumadami ang mga ebidensyang nakalap nila.

***

Pinag-uusapan na raw nila ngayon ang proseso ng pagpapalibing sa da­ting Pangulong Ferdinand Marcos.

May nakakausap na raw siya na nag-aayos ng libing pero hindi pa niya masabi kung kailan dahil ang ina niya, ang dating First Lady Imelda Marcos ang magde-decide sa date ng libing.
Ani Sen. Bongbong, “Alam n’yo, ang procedure ng paglibing sa isang pangulo sa Libingan ng mga Bayani is very well established.

“Ang military have a very well-planned ceremony that will be done.

“Ang gagawin namin, I think there are some memorial services in Ilocos bago siya dadalhin dito.

“Sa panahon tayo ni Pres. Duterte na simple lang eh. Simple lang, pero ang mga Ilocano sinasabi na gusto rin nilang magpugay sa pangulo.

“Kaya sinasabi nila na huwag naman namin dalhin agad sa Maynila.

“The latest plan, mag-memorial service kami sa Sarrat, dahil du’n siya pinanganak, and maybe in Paoay that’s where he lived and ang last night sa Batac bago namin siya dadalhin sa Maynila.”