Nakaka-relate si Direk Joel Lamangan sa kuwento ng “Rainbow’s Sunset” na kanyang idinirehe para sa Heaven’s Best Productions. Ito ay mapapanood sa Dec. 25 sa Metro Manila Film Festival.
Kuwento ito ng isang 84-anyos na retiradong senador na pansamantalang iniwan ang kanyang asawa sa loob ng anim na dekada upang makapiling ang kanyang maysakit na kumpare at kaibigang lalake na may taning na ang buhay.
“Marami kasing eksena na nakaka-relate ako, tulad noong eksena nina Eddie at Tony. May experience rin akong ganoon. May asawa rin iyong boyfriend ko rati, pero hindi ako iyong tipong nakikipag-agawan. Hindi siya taga-showbiz at matagal na siya. Taga-probinsya siya namin,” tsika niya.
Katunayan, masasabing dakilang partner daw siya dahil pinagsilbihan niya nang lubos ang dating dyowa.
“Ako iyong naggo-grocery. Ako ang lahat, pero dumating iyong panahon na na-realize ko na sabi ko, teka sandali, sobra na. Nauntog na ako,” sey niya.
Gayunpaman, tapos na raw siya sa kabanata na iyon ng kanyang buhay.
Happy na raw siya sa live-in partner niya na kasama niya for more than 40 years na.
Kahit daw dumating sa puntong muntik na silang magkahiwalay, bumabalik at bumabalik daw naman sila sa isa’t isa.
“Ganoon naman ang buhay,” makahulugan niyang pahayag.
Sey pa niya, maraming makaka-relate sa kuwento ni Eddie na kahit matanda na ay piniling ilantad ang kanyang totoong pagkatao para makasama ang lalakeng kanyang minahal.
“Maraming makaka-relate sa kuwento. Meron din kaming pinagbatayan ng kuwento na nangyari talaga sa tunay na buhay,” hirit niya.
Napapanahon din daw ang ganitong tema para bigyan ng pagpupugay ang mga miyembro ng LGBT community sa panahon ng social media.
Naniniwala rin siyang bukas ay tanggap na ng ating lipunan ang pagkakaroon ng LGBT sa ating komunidad.
“May mga karapatan sila. Karapatan nilang lumigaya. Karapatan nilang mag-out whether tanggapin sila o hindi tanggapin, hindi na nila iyon problema. As long na wala silang sinasaktan o sinasagasaang tao,” pagwawakas niya.