Ang dami na agad reaksiyon ng mga netizen sa pagkakapisil ni Pangulong Rodrigo Duterte kay Binibining Joyce Bernal para magdirek ng kanyang pangatlong SONA (State of the Nation Address) na gaganapin this month.
Nag-trending agad ang topic, the moment na kumpirmahin ang balita ni Presidential Communications Operations Office (PCOO) Secretary Martin Andanar at katakot-takot na ang mga comment na nabasa namin.
May mga nagtanong nga agad kung bakit hindi na raw si Brillante Mendoza na matatandaang nagdirek ng naunang dalawang SONA ng Pangulo.
Pero siyempre, may mga kumuwestiyon din kung bakit si Direk Joyce gayung kilala raw ito sa mga romantic-comedy film.
Kaaliw nga ang tanong ng isang netizen kung may kissing scene din daw kaya sa ending. Ang iba naman ay nagtatanong kung may aasahan daw ba silang iyakan o sampalan.
May nagtanong ding pabiro kung may cameo raw kaya sina Judy Ann Santos at Sarah Geronimo.
Ang mga anti-Duterte naman ay kinukuwestiyon kung bakit pumayag si Direk Joyce at baka makaapekto raw ito sa kanyang directorial career.
Ang iba naman ay worried na baka ma-bash nang bonggang-bongga si Direk Joyce ng mga detractor tulad ng nangyari kay Brillante.
“I remember when Direk Brillante Mendoza was tasked to direct the SONA of President Duterte, the yellows immediately bashed and attack the director including his works. I expect they will unleash the same boorish attitude towards Joyce Bernal!” komento sa Twitter.
May mga tanong din kung bakit kailangan pa ng direktor ng SONA.
“Ang SONA ba ay pelikula?” tanong pa ng isa.
Pero siyempre, marami rin namang masaya para sa direktor at nag-congratulate pa sa kanya for accepting the job.
Ayon kay PCOO Secretary Andanar, si Robin Padilla na as we all know ay avid supporter ni Digong ang nag-request kung puwedeng si Binibibing Joyce ang magdirek ng SONA.
At inaprubahan naman daw ng Pangulo ang request ni Binoe.
Nagbigay na rin ng pahayag ang direktora tungkol dito at aniya, “I am committed to direct the SONA. But I will maintain my independence as a director.”
At siyempre, asahan na nating tiyak na makukumpara ngayon sina Brillante at Joyce sa pagdidirek ng SONA. Kung sino ang mas pupurihin ng mga netizen, ‘yan ang dapat nating abangan. Exciting at kaabang-abang ito, in fairness.
Ang ikatlong SONA ay gaganapin sa Batasang Pambansa sa Quezon City sa July 23.
***
Ara dedma sa ‘karma’ ni Rina
Dedma talaga as in NR (no reactions) hanggang ngayon si Ara Mina sa mga akusasyon sa kanya ng Cinema Evaluation Board member na si Rina Navarro.
Ayon sa isang malapit sa aktres, mas pinili na lang daw ng aktres ang manahimik na lang sa mga pinagsasasabi ni Rina dahil natsi-cheap-an daw ito sa issue.
“Sobrang negative ng issue, eh ang daming positibong bagay na nangyayari sa kanya ngayon mahahaluan pa ng nega,” sey ng friend ni Ara.
For one, ang ganda-ganda raw ng takbo ng negosyong bake shop ni Ara sa Commonwealth, may anak siyang pagka-cute-cute and smooth-sailing ang lahat, ‘ika nga.
Kaya dedma na raw si Ara sa mga kanegahan. Tutal naman daw ay may mga nagtatanggol din sa aktres na mga taong nakakakilala sa kanila ni Rina.
Ngayon nga ay may pumutok na bagong issue kay Rina dahil may isa pang girl na nag-akusa rin sa kanya na inagaw diumano ang fiancé niya.
Ito rin ang akusasyon ni Rina kay Ara kaya say ng friend ng aktres na kausap namin, ito raw ang tinatawag na karma.