Direk Laurice naloka kay Jodi

First time maidirek ni Direk Laurice Guillen si Jodi Sta. Maria sa pelikulang “Man and Wife” na prodyus ng Cineko Films at idini-distribute ng Star Cinema.

Ayon pa kay Direk Laurice, bagama’t naririnig na niya ang kahusayan ni Jodi, never raw naman niyang nabalitaan pa ang work ethic nito.

Katunayan, nang malaman niyang makakatrabaho niya ang aktres, gusto lang daw niyang i-tone down ang kanyang expectations.

Hirit pa niya, naging challenge sa kanya ang mapapa-yag ito na gawin ang love scene sa leading man nitong si Gabby Concepcion.

Dahil kilala sa pagiging konserbatibo, prim at proper, medyo naloka raw siya kung paano ie-e-xecute ang nasabing eksena.

“Siyempre ako naman, hindi ko tinatanong ‘yung bata. Hindi ko naman ini-expect na ganito ang gagawin niya. Kaya lang siyempre, hinahanap ko ang sarili ko sa mga eksenang mag-asawa, kasi may anak sila at ‘pag wala ‘yung bata, ‘yon ang chance nilang mag-make love,” paliwanag ni Direk Laurice.

Pagbubuking pa niya, nagtago raw sa ilalim ng kumot si Jodi pero hindi raw umubra ito sa kanya.

Gayunpaman, hands off daw siya sa ipinakitang professionalism ni Jodi habang ginagawa nila ang nabanggit na pelikula, na palabas na sa lahat ng mga sinehan simula sa Mayo 8. (Archie Liao)