TILA mas kabado pa ngayon si Direk Louie Ignacio kung tatangkilikin ba ang pelikula niyang Area na muling ipalalabas sa Cine Lokal sa ilang SM cinemas.

Natutuwa siya na unti-unti na siyang nakikilala sa ilang international filmfests.

Napansin ang Area niya sa Eurasia filmfest sa Kazakshtan, ngayon naman sa ASEAN international filmfest (Malaysia) ay nakuha niya ang Best Director award.

Tanggap ni Direk Louie na mas kilala siya rito sa atin bilang TV director.

Sana, magustuhan din daw ang mga nagawa niyang pelikula gaya ng mainit na pagtanggap sa ilang international filmfests.

“Ang sarap ng feeling na… like nitong nangyari sa ASEAN, among the Asian directors, ako pa ang nag-top.

“So, ibig sabihin na-appreciate nila ang trabaho ko. So, medyo nasasarapan at nagagandahan ako sa ganu’n.

“Ang gusto ko sana, ma-appreciate din sana dito sa Pilipinas. Para makita nila minsan ang trabaho ko na hindi lang pala ako pantelebisyon,” saad ni Direk Louie.

Si Direk Louie rin ang nagdirek ng Laut na napansin din sa ilang international filmfests kagaya nitong ASEAN.

Proud siya sa mga nagawa niya, at nagpapasala­mat sa mga nagtitiwala sa kanya na magdirek ng iba pang pelikula.

May ilang international filmfests pa raw siyang dadaluhan na mukhang may ilalaban uli roon si Ai Ai.

Hindi lang sure si Ai Ai kung dadaluhan niya dahil mas masuwerte raw at nananalo siya kapag hindi niya ito pinupuntahan.