Direktor, tinawanan ang MILAGRO nila ni Gil

Gil Cuerva

NAKITA namin si Bb. Joyce Bernal sa huling gabi ng lamay na segue na sa cremation ni Tito Alfie Lorenzo sa Arlington Memorial Chapels (Quezon Av., QC) nu’ng Wednesday night.

Binati namin siya sa big success ng AlEmpoy movie na Kita Kita na ang Spring Films nila ni Piolo Pascual ang producer katuwang ang Viva Films.

Hiniritan namin si Bb. Joyce na magpainom siya dahil tubong-lugaw ang pelikula, na less than P10M lang ang budget pero mahigit P230M na ang kita sa takilya.

Natatawang tsinika sa amin ng petite na direktora na may press na nagtanong sa kanya roon sa lamay tungkol sa isang blind item sa kanila ng bida niya sa My Love From The Star na si Gil Cuerva.

Ito ‘yung na-blind item kamakailan na kesyo nahuli ng guwardiya si Direk Joyce at si Gil na may ginagawang MILAGRO sa parking lot ng GMA.

“Ano, ganu’n ako kaganda para patulan niya (Gil)? Nakita mo ba itsura ng girlfriend nu’n?” dayalog sa amin ni Bb. Joyce, na sobrang na-amuse sa pang-iintriga sa kanya.

“Eh kasi nga, CAUGHT IN THE ACT daw kayo sa parking lot. Pero nang mahuli raw kayo ng guard, ang sagot daw ni Gil, eh WINU-WORKSHOP mo siya,” hirit namin sa MLFTS director.

“Winu-workshop, sa parking lot talaga? Ha! Ha! Ha! At saka ano, nahuli akong gumaganu’n-ganu’n?” bulalas ni Direk Joyce, na tawang-tawa kami dahil minuwestra niya pa sa amin ang pagtaas-baba ng ulo niya.

“Feeling ko nga, kaya hindi kami pinag-set visit man lang sa MLFTS hanggang sa mag-last taping day na kayo, dahil umiiwas kang mainterbyu ng press tungkol doon, eh,” pambubuska namin kay direk.

“Oo nga, bakit hindi kayo dumalaw sa set? At ano namang kinalaman ko du’n? Ha! Ha! Ha! Hindi ko nga alam kung saan nanggaling ‘yung blind item na ‘yun, eh!” natatawang sagot sa amin ni Bb. Joyce.

Hanggang bago kami maghiwalay ay aliw na aliw pa rin si direk sa malisyosong isyu na ‘yon sa kanya.

Mukhang na-touch pa yata siya na iniintriga siya sa isang guwapong young hunk na katulad ni Gil Cuerva.

Si Direk Joyce ang pumili kay Gil mula sa MLFTS audition dahil nagustuhan niya ‘yung look nito at may nakita siyang potensyal sa Chinitong binata.

In fairness ay hindi siya nagkamali dahil swak na swak si Gil sa papel ng hunky alien na si Matteo Domingo.

Mentor ang turing ni Gil kay Bb. Joyce at sa kanyang interviews ay palaging sinasabi ng bagong Kapuso heartthrob na nagpapasalamat siya sa pagtitiyaga sa kanya ni Direk Joyce at marami siyang natutunan mula rito.

Next week na ang huling linggo ng My Love From The Star sa GMA Telebabad na papalitan ng Alyas Robin Hood 2 ni Dingdong Dantes.