Inihayag ni Senador Richard Gordon na ginagamit ng mga Chinese national na sangkot diumano sa money laundering scheme ang kanilang perang pinapasok sa bansa para pondohan ang mga private army o ‘di kaya’y kalaban ng kanilang bansa.

Ginawa ni Gordon ang pahayag matapos mapag-alamang may 60 Chinese ang nakalusot sa bansa na may bitbit na milyong dolyares na aniya’y kaduda-duda.

“Chinese nationals in money laundering scheme may fund private armies, state ene­mies,” sabi ni Gordon.

“May $3 million, may $4 million. Milyon ha, cash. At inaamin nila,” pahayag ni Gordon sa panayam sa dzBB kahapon.

Pero nagtataka umano siyang kung bakit walang aksyon dito ang Anti-Money Laundering Council (AMLC).

“Nagtataka ako, ang tagal-tagal nang nangyayari ‘yon, walang umaaksyon sa AMLC (Anti-Money Laundering Council) dahil suspicious,” ani Gordon.

“Anong gagawin mo diyan? Puwede kang gumawa ng private army diyan, puwede kang magpondo ng Abu Sayyaf, puwede kang magpondo ng mga kalaban ng gobyerno, puwede kang magpondo ng sarili mong private army,” dagdag pa nito.

Sabi pa nito na ang ibang Chinese naman ay ginagamit ang pera sa casino at kapag nanalo ang mga ito ay idedeposito na sa bangko sa Pilipinas.

“Puwede kang magsugal at ang talagang pakay niyan, kunwari magsusugal ka, isasauli ngayon sa ‘yo, nanalo ka. Tapos ide-deposit mo sa bangko. Ligal na ‘yun ngayon,” sambit nito.

Ayon pa kay Gordon, chairman ng Se­nate Blue Ribbon Committee, magsasagawa sila ng sariling imbestigasyon sa naturang isyu sa oras na matapos na ang pagdinig ng Senate Committee on Women and Children sa kanilang pagdinig sa isyu naman ng ‘pastillas’ modus na kinasasangkutan ng ilang tiwaling tauhan ng Bureau of Immigration.

“Kung tapos na siya, umpisahan ko naman. Pero kami, ifo-focus muna natin sa money laundering at ‘yong talagang pinasok na tayo ng mga nakaka-control ng mga tao natin sa Immigration,” ani Gordon.

Mga casino dapat mag-report ng money laudering sa AMLC
Obligado umano ang mga casino sa bansa na mag-report sa AMLC ng diumano’y mga kaso ng money laundering, ayon kay Senate Minority Leader Franklin Drilon.

Ginawa ni Drilon ang pahayag kasunod ng ulat ni Senador Richard Gordon na ilang Chinesse national ang nagdadala sa bansa ng milyong dolyares na maaaring binabagsak sa mga casino at bangko.

Sabi ni Drilon, wala namang masama kung magdala ng pera ang mga dayuhan sa Pilipinas basta’t idedeklara lang nila sa Bureau of Customs.

Sa ilalim umano ng Anti-Money Laundering Law, kung aabot ng P5 milyon o $100,000 ay dapat i-report lalo na kung ito ay suspicious transaction.

“Dahil ang basic na prinsipyo sa Anti-Money Laundering Act ‘yung tinatawag na KYC. Kailangan kilala mo ang iyong custo­mer,” sabi ni Drilon.

“Kaya may mga identification card na kailangan bago ilipat sa casino. Kung mag-surrender kayo, bumili kayo ng chip, ang requirement ay tinatawag nating KYC or ‘know your customer.’ Kaya hindi dapat makalusot ito,” dagdag pa nito. (Dindo Matining)