Sa maraming pangakong binitawan noon ni Pangulong Digong Duterte, isa sa mga natupad ay ang dobladong suweldo ng mga pulis at sundalo.

May pirmadong order na para rito.

Tinatanggap man o hindi sa ngayon ang dobleng suweldo, may sinumpaang tungkulin ang mga pulis na magiging tagapagtanggol at protektor sila ng mga sibilyan laban sa kriminalidad.

Mga krimen na siyang dapat nilalabanan, hinahadlangan at sinusugpo ng mga pulis upang hindi makapambiktima.

Gaya ng pagpatay, pagnanakaw, panggagahasa, pana­nalbahe at pangmomolestiya, pananakit, kidnapping, carnapping, akyat-bahay, panghoholdap, drug trafficking at akto ng paggamit o pagdadala ng shabu/illegal drugs, pa­ngingikil, pamba-blackmail, swindling o panggagantso, estafa, human trafficking, prostitusyon, paninirang-puri, bullying, sexual harassment at sa hanay ng mga awtoridad malaking krimen ang pagtatanim ng ebidensya at pag-iimbento ng kaso at nanghuhulidap.

Pero simula nang pirmahan ni Pangulong Duterte ang umento sa suweldo ng mga pulis, ilan na ba sa kanila ang nasangkot sa mga krimen?

Isa sa rason kung bakit dinoble ang kanilang sahod ay upang hindi na sila matuksong gumawa ng iligal para magkapera.

E bakit marami pa ring pulis ang nadadawit sa krimen? Lalo na sa extrajudicial killings (EJK) at pagtatanim ng ebidensya. Iyong nanggagahasa at nangha-harass daw ng mga naaarestong babae o ng asawa at babaeng anak ng mga nahuhuling suspek.

Noong Agosto ay may mga pulis na iniharap sa media sa paratang na nangongotong ng P200-P500 sa mga junk shop.
Kumusta na rin ang kaso ng isang presinto sa Tondo na naaktuhang nagmamantine ng ‘secret o hidden’ selda para sa kanilang patubos raket?

Napatunayan lang sa dagdag suweldo na hindi lang ito ang kailangan para luminis ang hanay ng Philippine National Police (PNP). Importanteng maibalik ang decency sa hanay ng pulisya.

Ibalik ang pagiging disenteng tao ng mga pulis. Marangal, may dignidad at higit sa lahat ay may pagpapahalaga sa kapwa at respeto sa suot nilang uniporme.