Prayoridad sa mga tututukan ni bagong Supreme Court (SC) Chief Justice Lucas Bersamin ang disiplina sa hanay ng hudikatura, hindi lamang sa mga hukom kundi maging sa rank-and-file, para mapabilis ang pagpapatupad ng hustisya.
Ayon kay Bersamin, kailangang magkaroon ng disiplina sa hanay ng hudikatura para matugunan ang mga reklamo tungkol sa mabagal na pag-usad ng hustisya sa bansa.
Palalakasin umano niya ang morale ng mga kawani ng hudikatura at kasabay nito ang pagpapaalala sa kanilang obligasyon sa mamamayan.
Pormal nang inilabas kahapon ng Malacañang ang appointment paper ni Bersamin bilang bagong punong mahistrado ng SC.
Naniniwala naman si Bersamin, 69-anyos, na sa lawak ng kanyang karanasan sa may 32 taon na paglilingkod sa hudikatura at mga pag-aaral ay kakayanin niyang pamunuan ang SC.
Sa mga susunod na araw umano ay ilalatag ni Bersamin ang gusto niyang maging pamana para sa 11 buwan na panunungkulan bilang punong mahistrado kapalit ng nagretirong si Chief Justice Teresita Leonardo-De Castro.