Disiplina sa kalsada masusubok sa ADDA

Muling masusubok kung disiplinado na ba ang mga Filipino sa kalsada o hindi pa sa pagpapatupad sa Anti-Distract Driving Act (ADDA) o katulad ito ng iba pang batas na hindi sinusunod ng mga motorista.

Ito ang susubaybayan­ ni 1-Ang Edukasyon party-­list Rep. Salvador Belaro Jr., matapos ang pormal na pagpapatupad ng nasabing batas kahapon kung saan hindi bababa sa P5,000 ang multa ng mga pasaway na motorista.

Ayon sa mambabatas, napakaraming batas na ang ginawa, hindi lamang ng Kongreso kundi ng mga konseho ng iba’t ibang local government unit (LGUs) laban sa mga pasaway na motorista.

Kabilang na rito ang seatbealt law, subalit marami pa rin ang hindi sumusunod na motorista.
“The difficult thing here is that there will always be people who refuse to follow the law or find ways to avoid following the law,” ani Belaro, subalit umaasa ito na sa pagkakataong ito ay sumunod na ang mga motorista kahit hindi sila nakikita ng awtoridad sa kalsada na manghuhuli sa kanila.

Dahil dito, inerekomenda ng mambabatas na magpakalat ng mga educational materials, para malaman ng lahat ng mga motorista kung ano ang nilalaman ng bagong batas.